Dagupan City – Nababahala ang ilang residentesa Dagupan City sa tuwing tumataas ang tubig at binabaha ang kanilang lugar dahil sa high tide.
Ayon sa mga residente, ang paulit-ulit na pagbaha ay hindi lamang nakaaapekto sa kanilang kabuhayan at ari-arian, kundi maging sa kanilang kalusugan.
Bukod sa mabahong tubig at putik, lumulutang din ang mga basura at minsan ay may kasamang dumi ng tao, na lalo pang nagpapalala sa panganib ng mga sakit gaya ng leptospirosis, dengue, at iba pang waterborne diseases.
Dahil dito, nananawagan ang mga residente sa lokal na pamahalaan na bigyang-pansin ang kanilang kalagayan at magpatupad ng mga konkretong sulosyon sa madalas na pagbaha.
Ilan sa kanilang mungkahi ang regular na paglilinis ng estero at pagkakaroon ng maayos na drainage system.
Samantala, nananatiling naka-alerto ang barangay health workers sa pag-monitor ng mga posibleng kaso ng sakit, lalo na sa mga bata at matatanda na siyang pinaka-apektado ng maruming tubig.