Patuloy na nararanasan ng lungsod ng Dagupan ang pagtaas ng tubig baha dahil sa tuloy-tuloy na pag-ulan na nagdudulot ng matinding problema sa kabuhayan at araw-araw na pamumuhay ng mga residente at maliliit na negosyante.
Sa Magsaysay public market, apektado na ang mga nagtitinda ng gulay at prutas sa palengke.
Ayon kay Maritchie Roxas, isang vendor, malaki na ang kanilang nalulugi dahil sa pagkasira ng paninda bunsod ng baha.
Kung saan mahina na ang bentahan at nasisira pa ang kanilang mga paninda gaya ng kamatis.
Kaya binabagsak na lamang ng mga ito ang presyo, para kahit papaano ay may bumili ng kaunti.
Bukod sakanya ay hindi rin ligtas sa epekto ng baha ang mga dry goods vendor.
Ibinahagi naman ni Trixie Torio na malalim na ang tubig sa kanilang puwesto kung saan mahirap na rin itaas ang paninda dahil napasukan na ng tubig.
Ayon sakanya, pabago-bago ang lebel ng tubig ngunit nitong mga araw ay tuluyang lumalim na ito, dahilan para lalo silang malugi.
Samantala, sa barangay Salapingao, delikado naman ang sitwasyon ayon sa residente na si Charlotte Daantos aniya na nakakatakot talaga kapag malakas ang ulan dahil basang-basa sila at malakas ang agos ng tubig.
Kinakailangan pa nilang mag-arkila ng motorboat para makatawid, at araw-araw silang naglilimas ng tubig sa bahay na palaging binabaha.
Sa kabila ng paulit-ulit na pagbaha, umaasa ang mga residente at negosyante na mabibigyan ng agarang solusyon ang sitwasyon upang maiwasan ang patuloy na pagkalugi at panganib sa kanilang kaligtasan.