Binalaan ni US President Donald Trump ang bansang Iran na mahaharap ito sa mas malakas na pwersa ng militar kung itutuloy nito ang pagharang sa suplay ng langis sa Gitnang Silangan.
Ginawa ni Trump ang babala matapos magdeklara ang Islamic Revolutionary Guards Corps ng Iran na hindi sila magpapalabas ng langis sa rehiyon habang patuloy ang mga pag-atake ng Estados Unidos at Israel.
Ayon sa isang tagapagsalita ng Iran batay sa ulat ng state media, sila ng tutukoy kung kailan matatapos ang digmaan.
Bilang tugon, tahasang sinabi ni Trump na reresbak ang Amerika kung maaapektuhan ang tanker traffic sa Strait of Hormuz.
Sa kasalukuyan, tigil-operasyon ang mga barko sa Strait of Hormuz na nagbabagsak sa ikalimang bahagi ng suplay ng langis sa buong mundo.
Bunsod nito, pinag-aaralan ng Amerika ang pagluluwag sa oil-related sanctions sa ibang bansa, kabilang ang Russia, upang maibsan ang nakaambang shortage.
Nagsimula ang air and missile strikes noong huling bahagi ng Pebrero. Ayon sa UN ambassador ng Iran, aabot na sa 1,332 sibilyan ang nasawi, habang patuloy na nayayanig ang global financial markets dahil sa tensyon.










