DAGUPAN CITY – Muling iginiit ni US president Donald Trump na kukunin ng US ang kontrol sa Gaza Strip sa kanyang pakikipagkita kay King Abdullah ng Jordan sa White House noong Martes.

Ito ang kanilang unang pagkikita mula nang ianunsyo ni Trump ang kanyang panukala na sakupin ang lugar at ilipat ang populasyon nitong dalawang milyong Palestinians sa iba pang mga bansa sa rehiyon, kabilang ang Jordan.

Noong nakaraang linggo, iminungkahi ni Trump na maaari niyang itigil ang tulong sa Jordan at Egypt maliban kung papayag silang tanggapin ang mga Palestinians mula sa Gaza.

--Ads--

Ang Jordan, isang mahalagang kaalyado ng US sa Gitnang Silangan, ay may milyon-milyong Palestinians na at tinanggihan ang panukala.

Iginiit ni Trump na maraming trabaho ang malilikha sa buong rehiyon kung mangyari ang pagkuha ng US sa nasirang teritoryo.

Hanggang ngayon, tinanggihan ng Jordan ang ideya na umanoy isang pangunahing paglabag sa internasyonal na batas.

Gayunpaman, hindi alintana kay Trump ang mga pag-aalinlangan at muling iginiit ang kanyang posisyon na inaasahan niyang makikilahok ang Jordan at Egypt sa pag-aalaga sa mga isasagawang relokasyon ng mga Palestinians.

Tinutulan ng Egypt ang ideya ni Trump na alisin ang mga Palestinians mula sa Gaza.