Ikinatuwa ng True Colors Coalition ang hakbang ng isang lokal na pamahalaan na magpatupad ng taunang commitment ceremony para sa LGBTQIA+ couples, na kanilang nakikitang mahalagang simula tungo sa mas malawak na pagkilala sa karapatan ng mga miyembro ng queer community sa bansa.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, sinabi ni Jhay De Jesus, Spokesperson ng True Colors Coalition, na bagama’t simboliko lamang at walang legal na epekto ang ordinansang inihain sa Naga City para sa pagkilala sa pagmamahalan at pagsasama ng LGBTQIA+ couples, mahalaga pa rin itong hakbang upang mapalawak ang usapin tungkol sa pagkakapantay-pantay at pagkilala sa kanilang mga karapatan.
Ayon kay De Jesus, malaki ang papel ng mga lokal na pamahalaan sa pagsusulong ng kapakanan ng LGBTQIA+ community dahil sila ang pinakamalapit na institusyong nakatutok sa mga mamamayan.
Binigyang-diin niya na ang mga ordinansa at programang ipinatutupad sa lokal na antas ay nakatutulong upang matiyak ang proteksyon at kapakanan ng mga LGBTQIA+ individuals at couples.
Tinukoy din niya ang ilang lokal na programa tulad ng Right to Care Card ng Quezon City, na nagbibigay ng pagkakataon sa mga queer couples na magkaroon ng kinikilalang karapatan sa ilang mahahalagang sitwasyon, kabilang ang mga usaping medikal at pangkalusugan.
Bagama’t dumarami na ang mga anti-discrimination ordinances sa iba’t ibang lungsod at lalawigan, sinabi ni De Jesus na marami pa rin sa mga ito ang kulang sa implementing rules and regulations (IRR), dahilan upang hindi lubusang maipatupad ang mga probisyon ng mga naturang ordinansa.
Dahil dito, hinimok ng True Colors Coalition ang mga lokal na pamahalaan na repasuhin at palakasin ang kanilang umiiral na mga ordinansa upang matiyak ang epektibong pagpapatupad ng mga ito.










