Itinaas na ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang Tropical Cyclone Intensity Scale ng bagyo bilang Tropical Storm Kiyapo kung saan patuloy na magdadala ng pag-ulan sa malaking bahagi ng bansa ngayong araw ng Biyernes, Hulyo 24.
Sa weather bulletin ng PAGASA pasado alas-3:00 ng madaling araw, huling namataan ang sentro ng Tropical Storm Kiyapo sa layong 355 kilometro silangan ng Aparri, Cagayan.
Taglay nito ang ang lakas ng hanging aabot sa 65 kilometro kada oras malapit sa gitna, pagbugsong aabot sa 80 kilometro kada oras, at kumikilos sa direksyong pakanlurang hilagang-kanluran sa bilis na 30 kilometro kada oras.
Maliban sa bagyo nakakaapekto rin ang hanging Habagat partikular na sa may bahagi ng Visayas gayundin sa may Southern Luzon, at sa bahagi ng Mindanao.
Ibayong pag-iingat sa posibilidad ng pagbaha at pagguho ng lupa dulot ng malakas hanggang sa matinding mga pag-ulan, habang nananatili rin ang banta ng malalakas na hangin sa mga nasabing lugar.
Sa forecast track ng bagyo posibleng magland-fall ang bagyo sa Babuyan Island mamayang tanghali at inaasahang lalabas ng Philippine Area of Responsibility mamayang gabi.
Nakataas parin ang Tropical Cyclone Wind Signal #1 sa mga sumusunod na lalawigan sa:
- Batanes,
- Cagayan including Babuyan Islands,
- Isabela,
- Nueva Vizcaya,
- Quirino,
- Apayao,
- Abra,
- Kalinga,
- Mountain Province,
- Ifugao,
- Benguet,
- Ilocos Norte,
- Ilocos Sur,
- La Union, at
- Northern and central portions of Aurora (Dilasag, Casiguran, Dinalungan, Dipaculao).
Magiging maulap naman na may kalat-kalat na pag-ulan at pagkidlat-pagkulog ang Metro Manila, CALABARZON, nalalabing bahagi ng Central Luzon, MIMAROPA, at Pangasinan.
Maaari ring makaranas ang mga nabanggit na lugar ng pagbaha at landslide dulot ng katamtaman hanggang malakas na pag-ulan.










