Dagupan City – Tinawag ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) na “band-aid solution” ang trimester system sa School Year 2026–2027.
Ayon kay France Castro, dating kinatawan ng Alliance of Concerned Teachers , isa lamang umano itong “band-aid solution” ng Department of Education (DepEd) at hindi pangmatagalang lunas sa malalalim na suliranin ng sektor ng edukasyon.
Aniya, para bang ginagawang eksperimento na naman ito ng gobyerno.
Bagama’t inamin ni Castro na may posibleng positibong epekto ang trimester system—tulad ng bahagyang pagbawas sa workload ng mga guro—nilinaw niyang hindi ito nangangahulugang matutugunan na nito ang kabuuang krisis sa sistema ng edukasyon.
Ipinaliwanag din nito na mananatili pa rin ang bilang ng competencies sa kurikulum at hahatiin lamang ang mga ito sa tatlong grading period.
Dahil dito, hindi aniya mababago ang bigat ng aralin kundi ang iskedyul lamang ng pagtuturo.
Binigyang-diin din ni Castro ang pangangailangan ng isang holistic o komprehensibong solusyon.
Kabilang dito ang pagpuno sa kakulangan ng mga paaralan, silid-aralan, at guro, pati na ang pagpapabuti sa working conditions ng mga educator upang tunay na maiangat ang kalidad ng edukasyon sa bansa.
Kaugnay naman ng performance ng mga mag-aaral sa international assessments, sinabi ni Castro na may mga hamon umano dahil computerized ang mga pagsusulit na ito.
Aniya, mas dapat umanong pagbatayan ang resulta ng National Achievement Test na isinasagawa ng pamahalaan sa pagsukat ng kakayahan ng mga estudyante.










