Dagupan City – Hindi lang sa EDSA dapat isinasagawa ang Trillion peso march kundi ito ay isang nationwide protest.
Nanawagan si Volts Bohol, Presidente ng ATOM 21 Movement, na hindi lamang sa EDSA dapat idaos ang mga kilos-protesta ng Trillion Peso March Movement, kundi maaaring isagawa ito sa iba’t ibang panig ng bansa.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Volts Bohol, Presidente ng ATOM 21 Movement sinabi nito na bunga ng hindi-inaasahang tagumpay ng mga grupong nagprotesta gaya ng ng Tindig Pilipinas noong Setyembre 21 ang nangyayaring pagiging bukas ng taumbayan.
Sa katunayan aniya, habang papalapit ang inaabangang malawakang rally sa Nobyembre 30, kasabay ng paggunita sa Araw ni Bonifacio ay mas nagiging malinaw sa taumbayan ang layunin ng Trillion Peso March na mapanatili ang momentum at suportahan ang mga panawagan para sa transparency at pananagutan ng pamahalaan.
Ani Bohol, kapag parte ka ng coalition, gaano man ito kaliit ay may malaking impact na agad sa paggising ng bayan.
Dagdag pa niya, nais nilang hikayatin ang publiko na ipahayag ang kanilang saloobin laban sa patuloy na katiwalian sa bansa.
Target kasi sa nobyembre 30 ang higit 100,000 katao na lalahok sa Bonifacio Day rally, at inaasahang madodoble pa ang bilang habang lumalawak ang suporta.
Binanggit rin ni Bohol ang lumalalang epekto ng isyu sa bansa, kung saan unti-unti na umanong nawawala ang kumpiyansa ng mga mamumuhunan.
Hangga’t hindi nakikita ang pagbabago, patuloy umano ang pagkalugmok ng tiwala sa gobyerno.
Dito na binigyang diin nitona huwag sanang hayaang maging normal na lang ang korapsyon dahil panahon na para magsalita at kumilos para sa kinabukasan ng Pilipinas.