Sa gitna ng paggunita sa ika-53 anibersaryo ng deklarasyon ng Martial Law sa Pilipinas, nanawagan si Prof. Mark Anthony Baliton, Political analyst, na gamitin ang kasaysayan bilang aral upang labanan ang korapsyon at pang-aabuso sa kapangyarihan.
Ayon kay Prof. Baliton ang kahalagahan ng Setyembre 21 bilang isang makabuluhang okasyon na dapat magsilbing paalala sa masamang epekto ng katiwalian sa lipunan.
Aniya ang Martial Law ay isa sa pinakamadilim na bahagi ng ating kasaysayan, bagamat nagkaroon ito ng magandang intensyon sa pagpapanumbalik ng peace and order, ngunit ang malaking pagkukulang ay ang maling implementasyon nito.
Ayon pa sa kanya, mahalagang tingnan ang positibong aspeto ng kasaysayan na ang mga pagkakamali noon ay hindi na dapat maulit, lalo na ang mga suliraning gaya ng korapsyon na patuloy na sumasakit sa sistema ng lipunan.
Binigyang-diin ni Prof. Baliton na ang Trillion Peso March na ayon sa kanya ay maaaring sinasadya o hindi man, ay malinaw na nagpapakita ng mensaheng “no one is above the law.”
Hinimok din niya ang publiko, lalo na ang mga kabataan, na maging mapanuri at aktibong lumahok sa pagbabantay sa pamahalaan.