Mariing itinanggi ni dating Senador Antonio Trillanes IV ang paratang na tumanggap siya ng $2 milyon mula kay dating Rep. Zaldy Co para sa imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.

“I vehemently deny that I received $2M or any amount from Zaldy Co for the ICC investigation or any other purpose. This is an attempt to discredit the ongoing ICC proceedings against Duterte,” pahayag ni Trillanes.

Dagdag pa niya, magsasampa siya ng mga kasong cyberlibel laban kina Atty. Levi Baligod, dating Rep. Mike Defensor, broadcaster Jay Sonza, 18 dating sundalo, at iba pang nagpapakalat ng umano’y maling impormasyon.

--Ads--

“This is not new to me. I will not be distracted. Hahabulin ko kayo,” giit ng dating senador.

Ang pahayag ni Trillanes ay tugon sa press conference sa Club Filipino kung saan 18 dating kasapi ng Philippine Marines ang nagsabing naghatid sila ng milyon-milyong halaga kay Trillanes upang gastusan ang ICC investigation.

Ayon sa kanilang affidavit na iniharap ni Atty. Baligod, bilang mga executive assistants ni Co ay inutusan umano silang magpalit ng dalawang maleta na naglalaman ng tig-P56 milyon, na katumbas ng halos $2 milyon.

Ipinahayag din ng mga sundalo na si Trillanes umano ang nagbayad ng lahat ng hotel accommodation, pagkain, sasakyan, at iba pang gastusin ng mga ICC investigators nang dumating ang mga ito sa Pilipinas noong Disyembre 2023.

Tumanggi si Baligod na ipamahagi ang kopya ng affidavit sa media dahil isasampa muna raw nila ang reklamo sa Ombudsman, at bibigyan din ng kopya ang ICC at mga bansang kasapi nito.

Samantala, nagpapatuloy ngayong linggo sa The Hague ang confirmation of charges hearing laban kay Duterte.

Ang dating pangulo ay nahaharap sa tatlong bilang ng crimes against humanity kaugnay ng libu-libong patayan sa ilalim ng kaniyang drug war, at tinitimbang ng ICC kung may sapat na ebidensya upang ituloy ang kaso sa trial.