Ramdam parin ng mga tricycle driver sa Dagupan City ang paghina ng kanilang kita dahil sa nararanasang pagbaha sa ilang bahagi ng lungsod na sinabayan pa ng pagtaas sa presyo ng gasolina.
Tumaas kasi ngayong araw ang Gasolina na nasa P1.08 per liter.
Ayon kay Abelino Bustillo, vice president ng Citywide Tricycle Operators and Drivers Federation (CityFed), mula sa karaniwang apat hanggang limang biyahe kada araw ay nasa tatlo hanggang apat na biyahe na lamang ang ilan sa mga driver.
Aniya, malaking bahagi ng kanilang kinikita ang napupunta sa gasolina kaya kahit kumita ng ₱300 hanggang ₱400 sa isang araw ay itinuturing na nilang sapat.
Tinatayang 15 chapter o grupo ng mga tricycle driver ang sakop ng CityFed at marami sa mga ito ang nakararanas ng parehong problema.
Ayon kay Bustillo, may ilang driver na napipilitang maghanap ng ibang pagkakakitaan, kabilang ang construction, dahil hindi na sapat ang kita sa pamamasada.
Tinatayang halos lahat sa 500 driver na miyembro nila ay naapektuhan nang malaki ng mababang kita dahil sa ganitong sitwasyon lalo na ang ibang chapter o TODA ay lubog parin sa baha.
Bukod sa mataas na presyo ng gasolina, binanggit din ni Bustillo ang problema sa mga colorum na tricycle na aniya ay patuloy na nakapamamasada sa ilang lugar.
Sinabi niyang mahigpit ang pagpapatupad ng paghuli sa mga ito sa simula ngunit humihina umano ang operasyon habang tumatagal.
Samantala, sinabi ni Bustillo na nakatanggap na ang ilang driver sa Dagupan ng 10 kilo ng bigas mula sa ayuda ng pamahalaan, ngunit wala pa umano silang natatanggap na cash assistance.
Panawagan ng CityFed sa lokal na pamahalaan na maibigay na ang ipinangakong ₱2,000 ayuda para sa mga tricycle driver.
Saad nito na, malaking tulong ito sa kanila na hirap pagkasyahin ang maliit na kita para sa gasolina at pang-araw-araw na gastusin.
Para sa mga tricycle driver, ang agarang ayuda at mas mahigpit na pagpapatupad ng mga regulasyon sa pamamasada ay makatutulong upang maibsan ang epekto ng matumal na biyahe at tumataas na gastusin.










