Dagupan City – Ibinahagi sa Bombo Radyo Dagupan ng mga tricycle drivers sa bayan ng Malasiqui ang kanilang kinakaharap matapos na mapabilang ang kanilang mga panagalan sa nabiktima ng scam o Identity Theft.

Ayon sa biktimang si si alyas “Mary”, may nagtungo sa kanilang lugar at nagpakilalang galing ito sa isang sim card company.

Taktika umano nito, inengganyo ang mga tricycle drivers at residente sa bayan na naka-promo ang kanilang sim card at makakatanggap sila ng P150.

--Ads--

Ngunit dahil na rin sa kailangan iregistro ang mga ito, naniwala naman ang mga biktima at pumayag na magpakuha ng larawan at pumirma sa mga papel.

Ngunit lingid sa kanilang kaalaman, isa na pala itong uri ng scam at nakatakdang gamitin ang kanilang pangalan sa isang bank account.

Dagdag naman ng biktimang si alyas “Boy” noong una’y hindi nila ito inisip, ngunit nito lamang taong 2024, may mga nakatatanggap na umano ng mga subpoena, kung kaya’t naalarma ang mga ito dahil hindi lang P150 ang naging utang sa ilalim ng kanilang pangalan kundi umaabot sa daan-daang libong piso at ang iba’y pumalo pa sa Milyon.

Idinulog na umano ang reklamo sa Cyber Crime at National Bureau of Investigation, at lumalabas sa imbestigasyon na noong 2020 nangyari ang krimen.