DAGUPAN CITY–Agad na binawian ng buhay ang isang tricycle driver matapos itong pagbabarilin habang nagpapasada sa bahagi ng Marusay Bridge sa bayan ng Calasiao.

Sa exclusive interview ng Bombo Radyo Dagupan, kinilala ni Police Lt. Col. Franklin Ortiz, hepe ng Calasiao Police Station, ang biktima na si Joel Lacuaseta alias Ian, isang tricycle driver na residente ng Brgy. Mancup sa nasabing bayan.

Ayon sa opisyal, naganap ang insidente pasado alas 5 ng hapon kahapon, malapit sa poblacion area kung saan base aniya sa salaysay ng mga nasaksi, ang gunman ay sakay motorsiklo ng bigla itong bumaba malapit sa biktima at doon na ito pinaputukan.

--Ads--

Dagdag pa ni Ortiz, bandang ulo ang karamihan ng tinamong tama ng bala ng baril ng biktima dahilan ng agaran nitong kamatayan.

Bagamat masuwerteng walang ibang nadamay dahil nakaalis palayo ng tricycle ang sakay ng biktima.

Nabatid na agad na nagsagawa ng drag net operation ang mga otoridad pero hindi nahuli ang suspek habang narekober naman ang mga basyo ng bala ng cal. 45 baril sa pinangyarihan ng insidente.

Samantala, tinututukan ng mga otoridad para sa motibo ng krimen ang mga angulong posibleng may nakaalitan o ang pagiging sangkot umano ng biktima sa ilang serye ng nakawan sa kanilang lugar at karatig na barangay.

Kasunod nito ay hinikayat naman ni Ortiz, ang iba pang nakasaksi sa insidente na huwag matakot na makipag-ugnayan sa kanila para sa mabilis na ikalulutas ng krimen.

Kinumpirma naman ni Ortiz, na dahil sa insidente ay mas maghihigpit ang kanilang operasyon sa kanilang nasasakupan lalo na ang police visibility.