DAGUPAN CITY- Aprubado na ang ordinansang nagpapahintulot sa mga drayber ng traysikel at pedicab na dumaan sa Rizal Avenue sa Commercial Business District ng Mangaldan na may layuning mapadali ang kanilang pagbiyahe at matulungan silang makakuha ng mas maraming pasahero.
Ayon kay Gerard Ydia ang siyang Chief ng POSO Mangaldan, ang nasabing ordinansa ay isang pagbabago mula sa Comprehensive Public Order, Safety, and Traffic Management Code ng bayan.
Inaprubahan ito sa isang pampublikong pagdinig sa Sangguniang Bayan Session Hall.
Dumalo sa nasabing pagdinig ang mga kinatawan mula sa Mangaldan PNP at Public Order and Safety Office (POSO).
Sila ang magiging katuwang sa pagpapalakas ng mga patakaran at regulasyon kaugnay sa bagong ordinansa.
Ang mga ahensyang ito ang magbibigay ng suporta sa mga drayber at magpapatupad ng kaayusan sa kalsada.
Samantala ang ordinansa ay isusumite pa sa Sangguniang Panlalawigan upang makuha ang pinal na pag-apruba.
via Bombo Justine Ramos