Buong suporta ang ipinahayag ng National Public Transport Coalition sa plano ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na isakatuparan ang ganap na digitization ng lahat ng transaksiyon nito pagsapit ng 2026.
Ayon kay Ariel Lim, Presidente ng National Public Transport Coalition, napapanahon at mahalaga ang hakbang na ito, lalo na matapos ang pagbabago ng liderato sa LTFRB noong Oktubre.
Aniya, kapansin-pansin ang positibong direksiyon ng ahensiya sa ilalim ng bagong pamunuan.
Dagdag pa niya, sa mga naging pagpupulong sa pagitan ng kanilang grupo at ng LTFRB, nagkaroon ng pagkakasundo na itulak ang nasabing plano bilang pangunahing solusyon sa matagal nang suliranin sa proseso ng prangkisa.
Ipinunto rin ni Lim na makatutulong ang digitization upang mabawasan, kung hindi man tuluyang maiwasan, ang korapsyon sa hanay ng ahensiya.
Ikinatuwa rin ng transport group na pinakinggan sila ng bagong liderato ng LTFRB at pareho umano ang kanilang layunin—ang gawing mas malinaw, mabilis, at tapat ang mga proseso.
Para sa kanila, isa itong malaking pagkakataon upang matugunan ang mga problemang matagal nang nararanasan ng sektor ng pampublikong transportasyon.
Nilinaw naman ni Lim na ang paglilipat patungo sa digital system ay gagawin nang paunti-unti o gradual, upang masiguro na maayos ang implementasyon at hindi maaapektuhan ang mga stakeholder.
Layunin umano ng plano na alisin ang mga transaksiyong nangangailangan pa ng personal na pakikipag-ugnayan at gawing online ang karamihan ng proseso.
Nanawagan ito sa kanilang hanay na magtulungan at unawain ang mga pagbabagong isinasagawa.
Tiniyak din niya na patuloy nilang gagawin ang lahat ng paraan upang maibsan ang mga problema at hindi titigil hangga’t hindi naaayos ang sistema para sa kapakanan ng buong sektor.










