Nanawagan ang Alliance of Concerned Transport Organization (ACTO) sa pamahalaan na ibalik sa mas mababang antas ang presyo ng diesel kasabay ng nakaambang panibagong pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo ngayong linggo.
Sa panayam, sinabi ni Liberty De Luna, pangulo ng ACTO, na patuloy na nagpapabigat sa mga tsuper at operator ng pampublikong sasakyan ang sunod-sunod na oil price hike.
Ayon kay De Luna, umaasa silang kikilos ang pamahalaan upang maibalik sa makatarungang presyo ang diesel na pangunahing ginagamit ng sektor ng transportasyon.
Iginiit din niya na wala umanong sapat na dahilan upang manatiling mataas ang presyo ng langis.
Samantala, sinabi ni De Luna na bagama’t may mga tsuper at operator na nakinabang sa ipinatutupad na service contracting program ng pamahalaan, mas magiging epektibo pa rin aniya kung tututukan ang pagpapababa ng presyo ng krudo.
Kung hindi naman agad maipatutupad ang pagbaba ng presyo ng diesel, hiniling ng grupo sa pamahalaan na aprubahan ang dagdag-pasahe para sa mga pampublikong sasakyan.
Patuloy namang hinihintay ng sektor ng transportasyon ang magiging desisyon ng pamahalaan kaugnay ng panibagong oil price hike at mga panawagan ng mga tsuper at operator para sa karagdagang ayuda at iba pang hakbang na makapagpapagaan sa kanilang gastusin.










