DAGUPAN CITY- Kailangang maging mabilis ang pamahalaan sa pagtugon sa mga maapektuhan mas tumitinding krisis na sa Middle East na maaaring magpapahirap sa mga ordinaryong Pilipino sa bansa.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Jaime Aguilar ng National Confederation of Transportworkers Union (NCTU), binigyang-diin niya ang kahalagahan ng maagang paghahanda sa posibleng epekto ng lumalalang sigalot sa Gitnang Silangan, lalo na sa sektor ng transportasyon.

Aniya, may nakalaang pondo ang pamahalaan para sa ganitong sitwasyon, kaya’t nararapat lamang na mabilis itong mailabas at maipamahagi sa mga maaapektuhang sektor, lalo na sa mga tsuper at operator.

--Ads--

Kaya naman, iginiit niya na dapat tumulong ang gobyerno sa pamamagitan ng subsidiya upang maibsan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng langis sa mga nasa transport sector.

Dagdag pa niya, hindi lamang ang transportasyon ang dapat bigyang pansin.

Kailangan ding maglatag ng tulong para sa iba pang sektor na direktang maaapektuhan ng pagtaas ng presyo ng petrolyo.

Nanawagan si Aguilar sa pamahalaan na maging mabilis sa pagtugon upang hindi na umabot pa sa mas matinding krisis na magpapahirap sa mga ordinaryong Pilipino.