Transgender woman na hindi pinayagang gumamit ng female CR, inihahanda na ang kaso laban sa pamunuan ng mall

1342

Inihahanda na ang kaso na isasampa ng kampo ng transgender woman na hindi pinayagang gumamit ng pambabaeng comfort room ng isang mall sa Quezon City.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Gretchen Custodio Diez, sinabi nito na desidido siyang sampahan ng kaso ang management ng Farmers Plaza kahit pa humingi na ito ng paumanhin sa kanya, sa mga miyembro ng LGBTQ+ Community at sa publiko sa naging pagtrato ng janitress.

Sapat na aniya ang pananahimik ng LGBTQ+ Community sa mga ganitong klase ng diskriminasyon kaya sa tingin nito ay panahon na para sila’y lumaban.

--Ads--

Nakakadismaya ayon kay Diez ang inasal ng janitress dahil kung sakaling totoong babae ang pinigilan nitong gumamit ng palikuran ay kahihiyan din ang sasapitin nito.

Ayon pa kay Diez, dapat magkaroon ang mamamayan ng respeto sa karapatan ng bawat isa.

voice of Gretchen Diez

Mababatid na umani ng batikos hindi lamang mula sa LGBTQ+ Community kundi maging sa ilang kilalang personalidad ang nangyaring diskriminasyon sa transwoman na si Diez na hindi pinayagan ng janitress na gumamit ng pambabaeng CR dahil taglay pa rin umano nito ang ari ng lalaki.