DAGUPAN CITY- Nakatutok ang pamunuan ng Eternal Gardens Memorial Park, private cemetery sa syudad ng Dagupan, sa seguridad at kaayusan ng mga dadalo ngayong Undas.

Ayon kay branch manager Victoria Cayabyab, mahigpit ang koordinasyon ng pamunuan sa PNP, iba’t ibang support groups, lokal na pamahalaan, at City Health Office upang matiyak ang kaligtasan ng publiko sa paggunita ng Araw ng mga Patay.

Ipinatupad din ang maayos na traffic management plan ng POSO Dagupan. Nakahanda ang mga tauhan sa pagpapatupad ng daloy ng trapiko sa labas ng sementeryo, kung saan ang main gate ang magiging entry point at ang expansion area naman ang exit.

--Ads--

May nakalaan namang 3.7 ektaryang parking area na maaaring paglagyan ng humigit-kumulang 700 sasakyan, kabilang ang Court of Sto. Niño.

May mga bahagi rin ng lugar na may one lane parking upang mas maayos ang galaw ng mga bisita.

Batay sa tala noong nakaraang taon, umabot sa humigit-kumulang 80,000 na mga indibidwal ang pumasok sa sementeryo, at inaasahang mas dadagsa pa ngayong taon dahil sa pagpasok ng Undas sa weekend.

Bukod sa paghahanda sa seguridad, nakahanda rin ang iba’t ibang aktibidad at programa para sa mga dadalo.

Pinapaalalahanan naman ang publiko na maging alerto sa high tide advisory, lalo na sa mga mabababang bahagi ng lugar.