Sa gitna ng patuloy na pagbabago sa larangan ng pangkalusugan, muling binibigyang-pansin ng Department of Health (DOH) ang kahalagahan ng tradisyonal at alternatibong medisina bilang bahagi ng pambansang estratehiya para sa mas malawak at abot-kayang serbisyo medikal.
Sa isang panayam, binigyang-diin ni Dr. Glenn Soriano, US Doctor, Natural Medicine Advocate mahalagang unawain ang tunay na layunin ng tradisyonal na medisina lalo na ang pag-iwas sa sakit bago pa ito lumala.
Aniya ang pangunahing layunin ng tradisyonal na medisina ay prevention.
Kung saan kapag inalagaan natin ang ating katawan nang maaga, malaki ang posibilidad na maiwasan ang mga karaniwang karamdaman.
Ang pag-usbong ng interes sa tradisyonal na medisina ay pormal na sinimulan sa pamamagitan ng Traditional and Alternative Medicine Act (TAMA) ng 1997, na layuning kilalanin at paunlarin ang paggamit ng likas at katutubong lunas sa bansa.
Sa ilalim ng batas na ito, nagsimula ang DOH sa mga programa upang palaganapin ang kaalaman sa mga halamang gamot at tradisyonal na praktis sa mga komunidad.
Kabilang sa mga proyektong ito ay ang promosyon ng lagundi, sambong, tsaang gubat, at iba pang halamang gamot na napatunayang epektibo, ligtas, at mas mura kaysa sa komersyal na gamot.
Ayon kay Dr. Soriano, isa sa pinakamalaking benepisyo ng tradisyonal na medisina ay ang mababang gastos, dahil ang karamihan sa mga sangkap ay matatagpuan lamang sa paligid at hindi kailangang bilhin sa mataas na presyo.
Gayunman, kanyang binalaan ang publiko na hindi lahat ng paggamit ng halamang gamot ay ligtas kung walang tamang kaalaman.
Binigyang-diin niya na edukasyon ang susi upang maging mas maingat at masunurin ang publiko pagdating sa paggamit ng alternatibong medisina.
Itinanggi rin ni Dr. Soriano ang maling paniniwala na magkalaban ang modernong medisina at tradisyonal na pamamaraan.
Sa halip, binigyang-linaw niya na ang dalawang ito ay maaaring magtulungan at magsanib-puwersa sa iisang layunin: ang pagpapabuti ng buhay at kalusugan ng bawat Pilipino.
Habang patuloy ang kampanya ng pamahalaan sa paggamit ng alternatibong medisina, nananatiling mahalaga ang partisipasyon ng bawat mamamayan hindi lamang sa pagtangkilik, kundi sa pagiging mapanuri at bukas sa tamang impormasyon.
Sa tamang edukasyon, regulasyon, at kooperasyon ng mga eksperto, tradisyonal man o moderno ang medisina, maaasahang magiging mas ligtas, epektibo, at abot-kaya ang pangangalaga sa kalusugan para sa lahat ng Pilipino.