DAGUPAN CITY- Hindi nalalayo ang tradisyon ng mga katoliko sa pagdiwang ng pasko sa Italy kung ikukumpara ito sa Pilipinas.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Demetrio-Bong Ragudo Rafanan, Bombo International News Correspondent sa Italy, karamihan sa mga Italiano ay mga katoliko tulad ng mga Pilipino.

Aniya, kalat ang mga simbahan sa Italy at napupuno ang mga ito sa tuwing simbang gabi, lalo na sa Vatican City.

--Ads--

Tanging ang kapansin-pansing pagkakaiba ay buwan palang ng Setyembre ay ramdam na ang pasko sa Pilipinas habang sa Italy, sa tuwing nalalapit lamang ang Disyembre.

Habang pagdating sa pagkain, patok naman ang isda kung saan maging sa kanilang pasta ay ito ang isinasahog.

Bukod pa riyan, sa isang event naman isinasagawa ang pangangaroling at dito tumatanggap ng mga donasyon.

Samantala, sunod-sunod na aniya ang mga christmas party ng mga Filipino Community sa kanilang lugar.

Sa kanilang dami, linggo-linggo ang selebrasyong isinasagawa at umaabot ito hanggang January 6.

Gayunpaman, hindi maitago ni Rafanan ang kalungkutan sapagkat taong 1993 pa nang huling maranasan ang pasko sa Pilipinas.

Hindi naman aniya siya makauwi sapagkat may trabaho itong hindi maiwanan.

Kaniyang kasiyahan na lamang na makita ang kaniyang pamilya na masayang nagsasalo-salo sa noche buena.