Dagupan City – Gawing total ban ang online gambling sa bansa matapos bigyan ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ng 48 hours ang mga e-wallet at payment platform para i-disconnect ang mga online gambling platform.
Sa naging panayam sa kaniya ng Bombo Radyo Dagupan kay Tzar Umang, Policies Chief Operations Officer at Chief Technology Officer, sinabi nito na sana ay ipatupad na ng gobyerno ang mahigpit na regulasyon sa bank transfers at paggamit ng credit cards.
Ayon kay Umang, may kakayahan kasi ang ilang gateway providers na matukoy kung ang isang user ay sangkot sa online gambling.
Dagdag pa ni Umang na ang sistema ng PAGCOR ay kayang makita ang mga aktibidad ng bawat gumagamit kada “table,” tulad ng halaga ng mga taya at kung aling application ang laging ginagamit.
Aniya, may mga lumalabas na partikular na site dahil nadedetect ito ng algorithm—palatandaan ng paulit-ulit na paggamit ng gambling platforms.
Tinukoy rin ni Umang ang kakulangan sa mas mahigpit na auditing mula sa gobyerno.
Paliwanag niya, program lang ito, ngunit dahil sa pag-evolve ng algorithms, bumabalik sa pamahalaan ang tanong kung paano nila inaaudit ang mga applications na ito.
Dagdag pa niya, ang mga gambling applications ay dinisenyo para manalo ang user sa simula, ngunit kalaunan ay siguradong matatalo. Dito na niya binigyang diin na ang sugal ay sugal. Kahit pa manalo ka sa simula, kapag kinuwenta mo lahat ng gastos mo, ay magiging talo ka pa rin.
Nagbigay din siya ng paalala sa publiko na kung hindi kayang tigilan ang paggamit ng sugal ay huwag na lamang.
At kung hindi mo pa nasusubukan, mas maganda na huwag mo na lang simulan.
Hindi lang kasi aniya pera ang talo dito, kundi damay pati oras, lakas, at emosyon ng isang tao.
Sa huli, hinikayat ni Umang ang publiko na ilaan na lang ang kanilang pera at panahon sa pamilya at mga bagay na tunay na makapagpapasaya sa kanila nang walang stress.