Mariing itinatanggi ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) General Manager at dating PNP Chief Nicolas Torre III ang mga lumabas na ulat na tatakbo siya bilang alkalde ng Davao City.
“Para malinaw: wala akong sinabing tatakbo akong Mayor ng Davao. At wala rin akong inanunsyong pagtakbo sa anumang local o national position. Kaya huwag muna nating pangunahan ang kuwento. Marami pa tayong trabaho,” paglilinaw ni Torre sa kaniyang facebook post ngayong Biyernes.
Nilinaw ni Torre na nagsimula lamang ang lahat sa isang komento ng netizen sa social media. Dahil dito, mabilis na kumalat at ginawang tila totoong balita ang usap-usapan.
Sinabi niya na nakatutok siya ngayon sa kanyang tungkulin sa MMDA at iginiit na ang pagbibigay ng serbisyo ay hindi kailangang hintayin ang eleksiyon.
Sa mga nakaraang panayam, hayagan din niyang binanggit na wala siyang sapat na pondo o financial resources para pumasok sa politika.
Naging mainit nga ang pangalan ni Torre sa Davao City matapos niyang kuwestiyunin ang bilyong-bilyong pisong pondo para sa flood control projects sa lungsod, partikular nang bahain ang sarili niyang bahay doon.
Dahil dito, hinikayat siya ng ilang grupo at netizens na hamunin ang pamilyang Duterte sa lokal na halalan.
Nagpahayag pa nga si Vice President Sara Duterte na malaya at welcome ang sinuman, kabilang si Torre, na tumakbo sa kanilang baluwarte.
Gayunpaman, pormal nang tinapos ni Torre ang mga espekulasyon sa pamamagitan ng kanyang opisyal na pagtanggi sa naturang usapin.










