Pinatunayan ng isang pulis na kabilang sa mga nakapasok sa Top 10 ng “MASIDTALAK” Class of 2023 ng Philippine National Police Academy (PNPA) na hindi hadlang ang pagiging isang babae upang hindi maisakatuparan ang pangarap na maging isang pulis.
Ayon kay PLT Gezelle Neuda Sadian, ang siyang Top 6 sa MASIDTALAK, sa aplikasyon pa lamang ay marami na itong napagdaanang mga pagsubok.
Mahigit 14,000 kasi aniya ang mga aplikante at mabusisi rin ang naging proseso ngunit dahil sa kaniyang pagsusumikap at pagiging desidido na makapasok sa akademya ay nagawa niya paring makamit ang kaniyang hangarin.
Bilang kaunti ang populasyon ng mga kababaihan sa loob ng akademya, pag-amin nito nahirapan din siya kabilang ng mga iba pang kababaihan na kaniyang nakasama pagdating sa pantay na pagsasanay na ipinapagawa sa mga ito at sa mga kalalakihan.
Saad nito na dati siyang Accounting Technology student at naikumpara nito na ibang-iba ang paraan pamumuhay ng pagiging isang sibilyan at sa pagpasok nito sa loob ng akademya.
Kasabay pa aniya ng pagsasanay na ito ay mayroon din silang isinasagawang akademikong pag-aaral sa loob at sinubok aniya sila pagdating sa time management at pakikipagsabayan sa regimented na uri ng pamumuhay.
Dagdag pa nito na nang siya ay magtapos sa kursong Bachelor’s Degree in Accounting Technology sa Nueva Ecija ngunit nang sumailalim ito sa On the Job Training, naghahanap umano ito ng isang disenteng trabaho kung saan magkakaroon aniya ng kabuluhan ang kaniyang buhay at ito ay ang pagiging isang public service.
Kaugnay pa nito na sa kabila ng mga pagsubok na kinaharap ni Sadian sa pagsalang sa mga pagsasanay upang maging isang pulis, naging masaya rin naman ito sa lahat ng mga aktibidad na kanilang ginawa.
Nagbigay naman ito ng mensahe para sa mga kabataan na nangangarap ding maging isang pulis na ang pagiging isang babae ay hindi isang babae lang at kayang-kaya rin ng mga itong isakatuparan ang kanilang mga pangarap basta magpakatotoo lamang.