DAGUPAN CITY- ‎Arestado ang itinuturing na Top 1 Most Wanted Person sa bayan ng San Fabian, Pangasinan sa isinagawang operasyon ng pulisya nitong ika-6 ng Mayo, pasado alas-diyes ng umaga.

Kinilala ang suspek na si Jomar Fajardo, 36 taong gulang, isang construction worker, at residente ng Barangay Sagud-Bahley, San Fabian.

Inaresto si Fajardo sa mismong tirahan nito sa bisa ng isang warrant of arrest na inilabas laban sa kanya para sa tatlong bilang ng kasong Statutory Rape.

--Ads--

Ang kaso ay paglabag sa Article 266-A ng Revised Penal Code, na isinabatas sa ilalim ng Republic Act 8353 o mas kilala bilang Anti-Rape Law of 1997, at pinalawak pa ng Republic Act 11648 na nagpapalakas ng proteksyon sa mga menor de edad laban sa sexual abuse.

‎Walang inirekomendang piyansa para sa pansamantalang kalayaan ng suspek.

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng San Fabian Police Station si Fajardo para sa dokumentasyon at kaukulang disposisyon ng kanyang kaso.

Patuloy naman ang paalala ng mga awtoridad sa publiko na makipagtulungan sa pagpapanatili ng kaayusan at pagbibigay ng impormasyon hinggil sa mga pinaghahanap ng batas.