DAGUPAN CITY — Matagumpay na naaresto at pormal nang nasampahan ng kaso ang Top 1 Most Wanted Person sa Regional Level, Police Regional Office-4A matapos ang halos isang dekada nitong pagtatago mula sa batas.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay PLt. Joey A. Barlaan, ang tumatayong PIO ng CIDG Pangasinan Provincial Field Unit, sinabi nito na naaresto ng Criminal Investigation and Detection Group Pangasinan PFU Special Action Trackers Team (SATT)-2 (lead unit) na pinangunahan ni PCapt. Eulegio Dela Cruz, katuwang ang Provincial Intelligence Team Pangasinan-RIU1, Provincial Intelligence Team Laguna-RIU4A, Provincial Intelligence Unit Pangasinan PPO at CAFSG ang suspek na kinilalang si Mergen Montes Zamora, 43-anyos, male, construction worker, at residente ng Urdaneta City matapos siyam na taon nitong pagtatago sa Calamba City, Laguna.
Saad ni Barlaan na nahuli sa ikinasang magkatuwang na intelligence operation ng mga nasabing kapulisan at sa bisa ng Alias Warrant of Arrest ang suspek para sa krimen na rape na may kaugnayan sa Republic Act 7610 at gayon na rin sa paglabag sa Article 3, Section 5(b) ng parehong batas sa ilalim ng Criminal Case Nos. U-19039 at U-19040, ayon sa pagkakabanggit.
Ani Barlaan na nangayri ang unang paglabag ng suspek noon pang Marso 25, 2013 sa Sitio Cafloresan, Nancamaliran West, Urdaneta City kung saan sa pamamagitan ng pwersa at karahasan ay hinalay nito ang isang menor de edad na residente naman ng Brgy. Camantiles, Urdaneta City, Pangasinan.
Aniya na Setyembre 23 ng parehong taon ng mai-file ng kapulisan ng Urdaneta City ang impormasyon tungkol sa suspek sa RTC Urdaneta City Pangasinan para sa mga nabanggit na krimen.
Ang mga kasong isinampa sa suspek ay inihain ni Hon. Tita R. Villarin, Presiding Judge, FJR, RTC, Branch 49, Dagupan City, Pangasinan ng walang piyansa at may Php200,000.00 recommended bail bond, ayon sa pagkakabanggit.
Kaugnay nito ay inaalam pa rin ng kapulisan kung gumagamit o nasasangkot din ba ang suspek sa mga aktibidad na may kaugnayan sa paggamit ng ilegal na droga, kaya naka-base lamang sila sa service ng warrant of arrest na isinampa sa suspek.
Sa ngayon ay nasa kustodiya ng CIDG Dagupan City, Pangasinan ang suspek para sa dokumentasyon bago siya ibabalik sa issuing court.
Paalala naman ng mga kapulisan sa nagtatago sa batas na kahit gaano pa man sila katagal o kalayo na nagtatago sa batas ay mahahanap at mahahanap sila ng tinatawag na “long arm of the law”.