DAGUPAN CITY — Kulungan ang bagsak ng Top 1 Most Wanted Person City Level sa lungsod ng Urdaneta matapos itong maaresto sa Brgy. Salcedo sa bayan ng San Manuel, Tarlac.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay PLt.Col. Lawrence Keith Calub, Chief of Police ng Urdaneta City Police Station, sinabi nito na ang suspek na kinilalang si Benny Retomalta Aquino, 56-anyos, at residente ng Brgy. Nancamaliran, Urdaneta City, ay kanilang naaresto sa bisa ng Warrant of Arrest at kanilang pakikipagtulungan sa San Manuel Municipal Police Station, Tarlac Police Provincial Office, Police Regional Office III.
Aniya na kanilang minanmanan ang suspek sa dati nitong tinitirhan sa Brgy. Nancamaliran, subalit hindi nila ito natunton doon, kaya’t nagtanong-tanong sila sa mga komunidad at dito na nila nalaman ang kanyang kinaroroonan sa San Manuel, Tarlac kung saan nila isinagawa ang pagaresto sa suspek dahil sa 39 counts ng paglabag nito sa Sec. 5, Article III ng Republic Act No. 7610 (Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act).
Ayon kay PLt.Col. Calub, ang 39 counts ng paglabag ng suspek sa naturang batas ay ginawa nito sa kamag-anak ng kanilang kasamahan sa bahay na nag-aalaga ng kanyang ina.
Nang mga panahong iyon, ang biktima na isang menor-de-edad ay nagpresenta na mag-alaga sa ina ng suspek, kung saan ang asawa nito at ang ina ng biktima ay matalik na magkaibigan at magkapit-bahay lamang.
Una aniyang lumipat ang biktima sa bahay ng suspek noong Disyembre 2022, at makalipas ang dalawang linggo o noong Enero 2023, ay dito na sinimulan ng suspek ang pang-aabuso sa biktima at nagtagal ito hanggang Abril noong nakaraang taon kung saan nalaman ng mga magulang ng biktima ang ginagawa sa kanya ng suspek.
Saad nito na kaya umabot ng ganoon katagal ang pang-aabuso ng suspek sa biktima dahil nangyari ang krimen sa lugar na kontrolado ng suspek kung saan ay tanging ito, ang kanyang ina, at ang biktima lamang ang naninirahan, at dahil na rin sa takot ng biktma na magsumbong dahil sa pagbabanta ng suspek na kikitilin niya ito kasama ang kanyang mga magulang.
Samantala, naiugnay naman aniya ang kaso ng biktima sa City Social Welfare and Development para sa rehabilitation at pagtulong sa biktima na natrauma dahil sa dinanas nito.
Sa kasalukuyan ay nasa kustodiya na ng kapulisan ang suspek at nahaharap ito sa karampatang kaparusahan kung saan ang bawat kaso na isinampa laban dito ay may kaukulang bail bond na P200,000 bawat bilang o kung susumahin ay nasa tinatayang P7.8-million para sa 39 counts ng pang-aabuso.