Tinatayang humigit-kumulang P1,500 na halaga ng iligal na droga ang nasamsam mula sa kustodiya ng isang ginang nakatakdang dadalaw lamang sana sa piitan ng BJMP Dagupan Male Dorm.

Ayon kay JSInsp. Jayson Aquino, Assistant Jail Warden ng BJMP Dagupan City Male Dorm, nagsagawa ang kanilang tanggapan ng routine inspection sa lahat ng mga bisita.

Sa naturang inspeksyon, napag-alamang nagpuslit ng suspected shabu ang isang dalaw.

--Ads--

Agad na nakipag-ugnayan ang BJMP sa PNP Dagupan City at sa mga barangay officials upang masusing imbestigahan ang insidente.

Aniya, ang nasabing bisita ay regular na dumadalaw sa piitan.

Sa simula, itinanggi niya ang pagdadala ng ilegal na droga ngunit kalaunan ay umamin na gumagamit din siya.

Ito ang kauna-unahang pagkakataon na may nahuli na nagpuslit ng shabu sa piitan.

Binigyang-diin naman ni Aquino ang kahalagahan ng alertness ng mga tauhan ng BJMP sa pagpigil ng ilegal na aktibidad sa loob ng piitan.

Pinapaalalahanan din nito ang publiko at mga dalaw na huwag magpasok ng anumang ilegal na bagay mula sa alak at sigarilyo hanggang sa droga dahil maaring sila ay makulong at managot sa batas.