Dagupan City – Tinatayang nasa 1 libong drivers at operators sa lalawigan ng Pangasinan ang apektado at natigil sa pamamasada sa loob ng 2 linggo dahil sa tubig-baha sa Dagupan City.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Bernard Tuliao, Presidente ng Alliance United Transport Organization Provincewide (AUTOPRO) Pangasinan umabot sa ganito ang bilang dahil kilala ang lungsod ng Dagupan bilang sentro ng mga pangunahing daanan papunta sa iba’t ibang bahagi ng lalawigan.

Matatandaan kasi aniya na sa nagdaang bagyo ay isa ang lungsod sa may mataas na lebel ng tubig na umaabot sa hanggang bewang na baha ang national road na dala ng mga nagdaang bagyo at habagat, dumagdag pa ang hightide.

--Ads--

Dahil dito, kuliglig motor ang naging pangunahing transportasyon ng mga residenteng nagtutungo sa nasabing bahagi.

Ngunit sa kabila nito, marami pa rin ang nagpatuloy sa pamamasada kahit pa mataas ang lebel ng tubig-baha ngunit iniiba na lamang nila ang kanilang ruta.

Binigyang diin naman ni Tuliao na hindi rin nito masisisi ang mga operators at drivers kapag itinataas ang kanilang singil dahil na rin sa sitwasyon.

Ipinaabot naman ng mga kooperatiba ang kanilang pasasalamat sa tulong na food packs na natanggap.

Panawagan naman nito sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na sana’y mabigyan ng extension ang mga ito sa penalty ng hindi pa nakarehistro dahil hanggang sa ngayon ay hindi pa rin sila nakakabawi.