Hindi maitago ng isang Thai model na nag-solo trip sa Japan ang kaniyang takot nang may matagpuan sa ilalim ng kaniyang kama sa nirentahang kwarto sa isang hotel. Hindi ito isang katakot-takot na monster, kundi nagtatagong lalaki.

Umani ng milyon-milyon views ang video ni Natalisi Taksisi nang ikwento niya ang naturang karanasan.

Dahil dito, nabasag ang pag-aakala ni Taksisi na ligtas sa bansang Japan.

--Ads--

Pansamantalang nanatili ang modelo sa APA Hotel and Resort sa Tokyo habang nagbabakasyon sa bansa nang mangyari ito.

Sa unang araw nito sa hotel ay maayos naman ang kaniyang karanasan. Komportable siya sa kaniyang kaligtasan dahil mayroon naman siyang hawak na key card para sa kaniyang kwarto.
Subalit, nagbago ito sa ikalawang araw nang matulog ito matapos ang buong araw na paglilibot.

Aniya, nakaamoy siya ng hindi kaaya-aya. Una niyang pinaghinalaan ay ang kaniyang buhok at ang bed sheets hanggang sa napagtanto niyang nagmumula ang amoy sa ilalim ng kaniyang kama.

Nang silipin ay laking gulat na makakita siya ng dalawang mata na nakatitig din sa kaniya. Sa sandaling iyon, inakala ni Taksisi na magwawakas na ang kaniyang buhay.

Gayunpaman, napasigaw na lamang ang nanghimasok sa kaniyang kwarto at tumakbo papalabas.

Naalerto naman ang mga hotel staff at agad din nagpatawag ng kapulisan.

Natagpuan ng mga awtoridad ang isang powerbank at isang USB cable sa ilalim ng kama, subalit, walang paliwanag na maibigay ang hotel staff kung paano ito nakapasok.

Dumagdag pa sa kanilang problema ang hindi matukoy ang kinaroroonan ng nasabing intruder dahil sa kakulang ng CCTV sa loob ng hotel.

Dahil sa takot, lumipat ng panibagong hotel si Taksisi at huminigi ng $600 refund sa naunang hotel.

Nang makipag-ugnayan siya sa Agoda, ang booking site kung saan niya nireserba ang hotel, inalok umano siya ng $178 sa mga coupon— isang halagang itinuring ni Taksisi na “katawa-tawa.”

Dahil sa pagkadismaya, direktang tumawag ang modelo sa hotel at humingi ng kabayaran, kung saan pumayag sila na i-refund siya nang buo.