DAGUPAN CITY- Isa umanong mahalagang hakbang ang pag-uusap nina US Pres. Donald Trump at Russian Pres. Vladimir Putin sa Alaska Summit 2025, kamakailan, upang magkaroon ng kaayusan ang Ukraine at Russia.
Ayon kay Lucio Blanco Pitlo III, Foreign Affairs and Security Analyst, sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, kung kinakailangan ay gamitin ni Trump ang kaniyang impluwensya at pagbibigay pressure upang mapigilan na ang giyera sa pagitan ng nasabing dalawang bansa.
Gayunpaman, may agam-agam umano sa bahagi ng Ukraine na kung saan maaaring makaapekto sa kanilang bansa ang pagkikita ng dalawang pangulo.
Aniya, ‘worst-case scenario’ para sa Ukraine na isuko ang bahagi ng kanilang teritoryo upang maitigil ang giyera sapagkat, may ilang lugar na sa kanilang bansa na kontrolado na ng Russia, isa na rito ang Crimea.
Hindi naman umano imposibleng tanggapin ito ng Ukraine subalit, magkakaroon sila ng pag-demand sa tiyak na seguridad para sa kanilang bansa.
Samantala, sang-ayon ang ilang miyembro ng North Atlantic Treaty Organization (NATO) na manatili sa kanilang samahan ang Ukraine at hindi dapat ito i-veto ng Russia.
Habang, nananatiling hindi ito sinasang-ayunan ng Russia.