DAGUPAN CITY – Tumitindi ang tensyon sa bansang Trinidad and Tobago at sa buong rehiyon ng Caribbean matapos ibunyag ng Miami Herald na nakahanda umano ang Estados Unidos na magsagawa ng mga pag-atake sa mga pasilidad militar sa Venezuela, sa gitna ng patuloy na pagpapalakas ng puwersang militar ng Amerika sa lugar.
Ayon kay Allan Tulalian, Bombo International News Correspondent sa Trinidad and Tobago, sa panayam sa Bombo Radyo Dagupan, nagsimula ang tensyon nang magpadala ng mga warship at nuclear submarine ang Amerika sa bahagi ng Caribbean Sea bilang bahagi ng kanilang war on drugs.
Sa ngayon, siyam (9) na bangka na ang napasabog at 42 katao na ang nasawi, na pawang mga hinihinalang miyembro ng drug cartel na nakabase sa Venezuela.
Nagkaroon ng panic sa mga mamamayan matapos kumalat ang ulat na nagbigay na umano ng “go signal” si US President Donald Trump para atakehin ng Amerika ang Venezuela. Ngunit kalaunan ay pinabulaanan ang nasabing balita.
Kung sakaling matuloy ang pag-atake, unang maapektuhan ang Trinidad and Tobago dahil labing-isang (11) kilometro lamang ang layo nito mula sa Venezuela.
Kamakailan, dumaong sa isla ng Trinidad ang isang warship ng Amerika upang magsagawa ng joint military exercise na tumagal ng limang (5) araw, na lalong ikinagalit ng Pangulo ng Venezuela.
Habang patuloy ang palitan ng akusasyon sa pagitan ng dalawang bansa, nangangamba ang mga karatig-bansa gaya ng Trinidad and Tobago na maapektuhan ng anumang posibleng kaguluhan o operasyong militar sa rehiyon.










