DAGUPAN CITY — Ikinabigla ng ilang byahero nang maantala at ma-divert ang kanilang flight pauwi ng Pilipinas dahil sa nararanasang technical glitch ng management system ng Civil Aviation Authority of the Philippines.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Bombo International News Correspondent at United Filipino Global & United Filipino Global-UK member Emily Barrameda, sinabi nito na pauwi na sila ng Pilipinas nang biglang lumihis ang kanilang flight sa orihinal nitong ruta patungong Pilipinas at lumapag sila sa Hong Kong.
Aniya na nagtanong sya sa crew ng sinasakyang eroplano, subalit hindi rin umano nila alam kung ano ang dahilan, at nalaman na lamang niya kung ano ang naging sanhi sa pangyayari nang makakuha ito ng internet connection at makausap ang susundo sana sa kanya paglapag nito ng Manila.
Dagdag pa ni Barrameda na naghintay sila ng humigit kumulang 3 oras sa paliparan sa Hong Kong bago pa man sila mabigyan ng clearance na muling makalipad pabalik ng Pilipinas. Subalit sa kabila nito ay tinatanggihan at hindi naman tinatanggap ng sistema ang kanilang clearance at doon na lamang nila nalaman na sarado na pala ang Manila International Airport dahil sa isinasagawang maintainance.
Kaugnay nito ay binigyan naman ang mga naistranded na mga pasahero ng kaunting tulong ng pamunuan ng paliparan sa Hong Kong upang mayroon silang pambili ng kanilang makakain at maiinom.
Nag-abot naman si Barrameda ng tulong sa mga kapwa nito Pilipino na-istranded rin sa paliparan na naghahangad ding makauwi sa kani-kanilang mga probinsya pagbaba nila sa Manila. Nakauwi naman ang mga ilang na-istranded na pasahero sa Manila kahapon ng umaga.
Maliban nito ay pinasasalamatan naman ni Barrameda ang United Filipino Global & United Filipino Global-UK Founder na si Gemma Sotto sa pagtulong sa mga distressed OFW na nakalapag na ng Manila matapos na maistranded ng ilang oras sa mga international airports.
Umaasa naman si Barrameda na magsilbing kapupulutan ng aral at pampatibay ng loob sa mga stranded na pasahero ang pagtulong sa kapwa sa mga panahong tanging ang isa’t isa lamang ang maaasahan ng mga OFW.