Dagupan City – Nanawagan ang Teachers Dignity Coalition (TDC) ng mas proaktibong papel ng mga guro at lalo na ng mga opisyal ng Department of Education (DepEd) sa pagpapatupad ng mga programang laban sa bullying sa mga paaralan.

Ayon kay Benjo Basas, chairperson ng Teachers Dignity Coalition ito ay kasabay ng paglulunsad ng Department of Education–National Capital Region (DepEd NCR) ng isang programa na layong tugunan ang patuloy na suliranin ng bullying—isang hakbang na itinuturing na napapanahon sa gitna ng mga isyung patuloy na kinahaharap ng sektor ng edukasyon.

Ayon kay Basas, nagiging bahagi na umano ng kultura sa ilang paaralan ang bullying, kabilang na ang gender discrimination na tila nagiging normal na lamang sa mga mag-aaral.

--Ads--

Dahil dito, iginiit niya ang pangangailangan ng mga preventive measures at ang pagbabago ng kultura sa loob ng mga paaralan sa pamamagitan ng sama-samang pagtutulungan ng mga guro, magulang, at mga opisyal ng DepEd.

Dagdag pa ni Basas, mahalaga rin ang pagtatalaga ng mga mental health professionals sa bawat paaralan upang magabayan ang mga mag-aaral na nakararanas ng mga isyu sa kalusugang pangkaisipan.

Binigyang-diin ng coalition na ang pagtugon sa bullying ay hindi lamang usapin ng disiplina, kundi ng paglikha ng ligtas at inklusibong kapaligiran para sa lahat ng mag-aaral.