Dagupan City – Dismayado ang Teachers Dignity Coalition (TDC), sa naitalang pagdami ng mga kaso ng umano’y “ghost beneficiaries” sa Senior High School (SHS) voucher program ng Department of Education (DepEd).
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Benjo Basas, Chairman ng nasabing grupo malinaw aniya na layunin ng pamahalaan ang voucher program upang direktang mapakinabangan ng mga mag-aaral.
Gayunman, taliwas umano ito sa nangyayari sa kasalukuyan dahil sa halip na mga estudyante ang makinabang, may ilang opisyal pa umano ang nagkakaroon ng interes sa pondo ng programa.
Dahil dito, iginiit ni Basas na dapat pag-isipan kung kailangan pa bang ipagpatuloy ang voucher program.
Aniya, mas mainam na ilaan na lamang ang pondo sa pagpapatayo at pagpapalakas ng mga pampublikong senior high school, sa halip na ang voucher pa mismo ang nagiging ugat ng katiwalian.
Dagdag pa niya, kung hindi man tuluyang aalisin ang voucher system, maaari itong gawing minimal at tiyaking ang mas malaking bahagi ng pamumuhunan ay mapunta sa mga pampublikong institusyon ng edukasyon.
Matatandaan na kamakailan ay may ilang programang may kaugnayan sa voucher system na sinuspinde ng DepEd dahil sa mga iregularidad.
Binigyang-diin ni Basas ang pangangailangan ng mas mahigpit na monitoring at pananagutan upang masigurong napupunta ang pondo ng edukasyon sa mga nararapat na benepisyaryo.










