Dagupan City – Nakataas pa rin ang Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS) No. 1 sa lalawigan ng Pangasinan sa kabila ng paghina na ng bagyong Gener.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Adreanne Pagsolingan, Public Information Officer ng Office of the Civil Defense Region 1, ito’y dahil sa patuloy na nararanasang mga panaka-nakang pag-ulan at malakas na bugso ng hangin.
Kaugnay nito, nakataas din ang general flood advisory sa ilang bahagi ng Ilocos Region kung kaya’t patuloy rin ang kanilang isinasagawang monitoring at pakikipag-ugnayan sa bawa’t Local Government Units.
Habang pinapaalalahahan pa rin ang mga mangingisda na huwag munang pumalaot dahil sa banta ng malalakas na hangin.
At nagpaalala naman ito na kung mayroon mang itataas na Pre-emptive evacuation, sumunod na lamang dahil para rin iyun sa kani-kanilang kaligtasan.
Sa kabila nito, nanatili namang 0 evacuation warning ang lalawigan ngunit may mga ilang bahagi na rin ang nalubog sa baha.
Nagpaalala naman ito sa publiko na ugaliing maging updated sa balita para malaman ang sitwasyon at takbo ng bagyo. Kung maari rin aniya ay maghanda ng mga GO BAG o o Disaster Preparedness Bag sa loob ng tatlong araw bilang paghahanda sa anumang sakuna, gayundin kung magkakaroon ng antala sa pagdating ng tulong.