BOMBO DAGUPAN – Mahalaga ang pagkakaroon ng Taxpayer Identification Number (TIN) sa bawat mamamayan o tagapagbayad ng buwis kung saan lahat ng tao na may trabaho, negosyo, partnership, corporation at iba pa ay may naka-assign na kanya-kanyang numero.

Ayon kay Atty. Joey Tamayo, Resource Person Dura lex Sed lex sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan na mainam na mayroong TIN upang mabilis ang transaksiyon sa Bureau of Internal Revenue (BIR) lalo na sa pagbabayad ng buwis.

Sa kasalukuyan naman ay maaari nang makakuha ng TIN online o ang tinatawag na digital TIN. Dito ay maaaring mag-apply online, bisitahin lamang ang link kung saan maaaring kumuha at doon ay maaaring isalaysay ang kabuuan ng iyong pagkakakilanlan kabilang na ang iyong pangalan, araw ng kapanganakan at iba pang impormasyon ukol sa iyong personalidad.

--Ads--

Matapos namang makapagfill-out ay padadalhan ka sa iyong email ng digital TIN verification at sundin lamang ang mga kailangan pang gawin.

Dahil ang taxation system ay computerized na kaya’t madali at mabilis ang pagmonitor ng BIR sa bawat tagapagbayad ng buwis o mamamayan na may TIN.

Samantala, kapag bumili naman ng lupa, ari-arian, makinarya, negosyo, o iba pa ay mainam na may nakasulat na TIN dahil ito ay mahalaga lalo na kapag ikaw ay pipirma ng isang dokumento bilang pruweba sa transaksiyon na pinasukan.

Pagbabahagi pa ni Atty. Tamayo na mahalaga ang pagbabayad ng buwis para makalikom ang BIR ng sapat na pondo para sa pangangailangan ng bansa.

Aniya na ang ating ibinibigay na buwis sa bayan ay babalik din sa pamamagitan ng serbisyo gaya ng pangangailangan sa ospital, imprastraktura, sa panahon ng bagyo o kalamidad, gayundin para sa mga eskwelahan.