Timbog ang isang lalaki sa bayan ng Mangaldan, Pangasinan matapos maaktuhang kinakalas ang isang taxi na iniulat na nawawala mula pa sa Caloocan City.
Ayon sa pulisya, Sabado ng umaga nang kunin ng lalaki ang taxi bilang aplikanteng driver.
Matapos makuha ang sasakyan, hindi na ito bumalik sa garahe ng may-ari at hindi na rin muling makontak.
Kalaunan, napansin sa GPS ang direksyong tinatahak ng sasakyan na papunta dito sa lalawigan ng Pangasinan.
Na-trace ng mga awtoridad ang taxi sa isang tindahan ng mga spare parts sa Mangaldan.
Doon naaktuhan ang suspek na tinatanggalan ng mga sticker at pyesa ang sasakyan, dahilan para agad siyang arestuhin.
Narekober ng mga pulis ang taxi at naibalik na ito sa may-ari. Samantala, ang suspek ay nahaharap sa kasong carnapping at kasalukuyang nasa kustodiya ng mga otoridad.