Dagupan City – Nagdaos ng payak na paggunita ang Barangay Herrero-Perez sa anibersaryo ng kamatayan ng yumaong Speaker Eugenio Perez
Ayon kay Barangay Captain Generoso Gomez, dahil sa naipong tubig sa Eugenio Perez Park, ipinagpaliban ng barangay at ng pamahalaang lungsod ng Dagupan ang nakagawiang wreath-laying ceremony at nag-alay na lamang ng mga bulaklak bilang pagpupugay sa dating Speaker na itinuturing na “Ama ng Lungsod ng Dagupan.”
Ipinahayag ni Kapitan Gomez na hindi kailanman malilimutan ng mga residente ang ambag ni Perez sa pagkakatatag ng Dagupan bilang isang chartered city, na nagbigay sa kanila ng kalayaan at kakayahang mamahala sa sariling lungsod.
Isa rin umano sa dahilan kung bakit walang seremonya ay inisip din ang kapakanan ng kanilang mga ka-barangay dahil nakapagtala sila ng daan-daang evacuees dahil sa pananalasa ng bagyo.
May mga bahay din ang nasira at ilan sa mga ito ay hindi pa rin naibabalik sa normal dahil sa pagkukumpuni.
Sa kabila nito, nagpasalamat si Gomez sa pagtutulungan ng lokal na pamahalaan, mga barangay, at pambansang ahensya na nakatulong upang maging “zero casualty” ang kanilang lugar sa kabila ng matinding kalamidad.
Umaasa naman siya na sa susunod na taon ay maipagpapatuloy na nila ang tradisyunal na wreath-laying ceremony sa Eugenio Perez Park bilang pagpapatuloy ng paggalang sa alaala ng dating Speaker.










