DAGUPAN CITY- Tatlong indibidwal ang naaresto ng Dagupan City Police Office (DCPO) sa isang matagumpay na buy-bust operation na isinagawa kamakailan sa Barangay Pantal, Dagupan City.
Ito ang kinumpirma ni Police Colonel Orly Z. Pagaduan, City Director ng DCPO, matapos mahuli ang mga suspek na umano’y sangkot sa pagbebenta at pag-iingat ng ilegal na droga.
Ayon kay PCol. Pagaduan, kabilang sa mga naaresto ang isang 35-anyos na construction worker, 28-anyos na welder, at 27-anyos na tricycle driver, pawang mga residente ng Dagupan City. Ang isa sa kanila ay mula sa Barangay Pantal, habang ang dalawa ay mula sa Pugo Chico at Barangay Mayombo.
Nakumpiska sa operasyon ang humigit-kumulang 10.5 gramo ng hinihinalang shabu, na may tinatayang street value na ₱71,400. Lumabas sa imbestigasyon na ang tatlo ay umano’y aktibong bumibili at nagbebenta ng ilegal na droga sa loob ng lungsod.
Dagdag ni PCol. Pagaduan, ang impormasyong nakuha mula sa buy-bust operation ay mahalagang tulong upang matukoy ang iba pang galawan ng ilegal na droga sa Barangay Pantal at karatig-lugar. Binigyang-diin niya na patuloy ang pinaigting na operasyon ng DCPO bilang bahagi ng kanilang mas masinsinang kampanya kontra droga.
Ayon pa sa kanya, ang tagumpay ng operasyon ay patunay na malaking bahagi ang ginagampanan ng komunidad sa pagsugpo sa ilegal na droga. Aniya, kinakailangan ang tulong ng mga residente upang tuluyang mapigil ang paglaganap ng ipinagbabawal na gamot sa Dagupan.
Tiniyak ng DCPO na magpapatuloy ang kanilang serye ng operasyon at mas mahigpit na pagbabantay upang mapanatili ang kaligtasan at kaayusan sa lungsod.










