DAGUPAN CITY- Tatlong sasakyan ang nasangkot sa isang vehicular traffic incident na naganap kahapon sa Bacabac, Pulong Bridge sa bayan ng Bugallon.

Kabilang sa mga ito ang isang pickup at dalawang motorsiklo na nagresulta sa pagkakasugat ng mga motorista, kabilang ang isang menor de edad.

Batay sa inilatag na paunang imbestigasyon ng Bugallon Police Station na pinangunahan ni PLt. Darius Cabotaje, lumalabas na ang ikatlong sasakyan ang umano’y pumasok sa linya ng dalawang motorsiklong unang nadamay.

--Ads--

Dahil dito, tinamaan ang unang motorsiklo na nagresulta sa pagragasa nito patungo sa gilid ng kalsada, habang nahagip din ang ikalawang motorsiklo.

Natukoy sa imbestigasyon na ang pickup ang unang lumihis sa kabilang linya kaya nagkaroon ng sunod-sunod na banggaan. Ang driver ng unang motorsiklo ay menor de edad at nagtamo ng bali sa kanang bahagi ng likod ng kanyang kamay.

Ang driver naman ng ikalawang motorsiklo ay nagtamo ng bali sa paa. Samantala, ang driver ng pickup ay patuloy pang ginagamot sa pagamutan, kasama ang iba pang nasugatan mula sa unang at ikalawang sasakyan.

Patuloy na sinusuri ng mga awtoridad ang kabuuang pangyayari habang isinasailalim sa masusing imbestigasyon ang mga sasakyang sangkot sa insidente.

Kasabay nito, muling pinaalalahanan ng kapulisan ang mga motorista—lalo na ang mga gumagamit ng motorsiklo—na mag-ingat sa kalsada, manatiling nakapokus habang nagmamaneho, at sundin ang mga itinakdang patakaran sa trapiko upang maiwasan ang ganitong uri ng aksidente.

Patuloy ding umaapela ang mga awtoridad sa publiko na pairalin ang responsableng pagmamaneho upang maiwasan ang mga insidenteng nagdudulot ng pinsala at banta sa buhay.