DAGUPAN CITY- Pormal na ipinamahagi sa mga samahan ng magsasaka sa Barangay Inlambo, Macayug at Malabago sa bayan ng Mangaldan ang tatlong yunit ng rice combine harvester mula sa Department of Agriculture sa pamamagitan ng Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization.

Pinangunahan ng lokal na pamahalaan ang turnover ng mga makinarya ngayong Enero 22, 2026 bilang bahagi ng patuloy na pagsuporta sa sektor ng agrikultura sa bayan.

Layunin ng pamahalaang bayan, katuwang ang Municipal Agriculture Office at iba’t ibang ahensya, na mapalakas ang produksyon ng palay at mapagaan ang trabaho ng mga magsasaka sa pamamagitan ng modernong teknolohiya.

--Ads--

Sa parehong araw, isinagawa rin ang pagbabasbas sa mga makinarya bilang pasasalamat at panalangin para sa ligtas at kapaki-pakinabang na paggamit ng mga ito, gayundin para sa mas matibay na samahan ng mga magsasaka sa komunidad.

Ang bawat rice combine harvester ay nagkakahalaga ng humigit-kumulang isang milyon at animnaraang libong piso at pinondohan sa ilalim ng Rice Competitiveness Enhancement Fund Mechanization Program ng DA-PhilMech.

Malaki ang inaasahang epekto nito sa ani at oras ng pag-aani, kung saan mula sa dalawang araw na manual harvesting ng labinlimang magsasaka ay nagiging halos dalawang oras na lamang gamit ang makabagong makina.

Bukod sa mga bagong rice combine harvester, pinabasbasan din ang mga naunang natanggap na four-wheeled tractor ng mga samahan ng magsasaka.

Patunay ito ng tuluy-tuloy na modernisasyon ng agrikultura sa bayan, mula sa tradisyonal na pamamaraan patungo sa mas episyente at makabagong sistema na inaasahang magdudulot ng mas mataas na kita at mas maginhawang kabuhayan para sa mga magsasaka.