Pawang nasawi ang tatlong nawawalang biktima sa paglubog ng motorboat mula Barangay Camaley patungong Balogo River sa Binmaley matapos matagpuan at marekober ang kanilang mga katawan.
Ayon kay PLtCol. Lister A. Saygo, Chief of Police ng PNP Binmaley, unang narekober dakong alas-9:45 ng gabi ang isang babaeng biktima, habang natagpuan naman bandang alas-6:15 ng umaga ang isa pang babae at isang lalaki. Pawang idineklarang patay ang tatlo.
Inihahanda na ng pulisya ang kaukulang kaso kaugnay ng insidente, kabilang ang posibleng reckless imprudence resulting in multiple homicides. Nasa restrictive custody naman ang boat pilot o driver habang isinasaproseso ang kaso at nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Batay sa paunang imbestigasyon, overloading ang nakikitang dahilan ng paglubog ng motorboat. Nilinaw rin ng pulisya na personal na bangka umano ito at hindi regular na pampasaherong sasakyang pantubig.
Samantala, sinabi ni Mayor Pedro A. Merrera III na isinusulong ng Pamahalaang Bayan ng Binmaley ang proposed ordinance na magtatakda ng seating capacity ng mga bangka at mahigpit na pagbabawal sa overloading at unsafe loading.
Kasama rin sa panukala ang pagbabawal sa pag-operate ng motorized watercraft ng mga menor de edad at hindi kwalipikadong operator, gayundin ang watercraft identification, safety inspection, emergency preparedness, enforcement at kaukulang parusa sa mga lalabag.
Layunin ng ordinansa na mapalakas ang safety measures sa mga ilog ng Binmaley at maiwasan ang mga insidenteng maaaring magbanta sa buhay ng mga pasahero. Nakikipag-ugnayan din ang lokal na pamahalaan sa mga barangay na may ilog at pantalan upang masiguro ang ligtas na paggamit ng mga sasakyang pantubig.
Pinaalalahanan naman ni Saygo ang publiko na huwag gumamit ng bangka kung hindi kwalipikado ang operator o hindi ligtas ang kondisyon ng biyahe. Kung may available na rutang panlupa, mas mainam itong gamitin kaysa sumakay sa ilog bilang shortcut.










