BOMBO DAGUPAN — Mula sa 68-anyos na former opposition lawmaker hanggang sa 27-anyos na student activist, labing-apat na pro-democracy campaigners ang hinatulan ng subversion ng Hong Kong court sa pinakamalaking national security case sa lungsod.
Nasa 47 na protester at aktibista o mas kilala sa bansag na Hong Kong 47 na kinasuhan tatlong taon na ang nakalilipas sa di umano’y pinakamalawak na crackdown sa ilalim ng National Security Law (NSL) na ipinatupad ng China.
Inakusahan ng mga opisyal ang 47 mga indibidwal na kinabibilangan ng walong kababaihan at 39 na mga kalalakihan ng pagtatangka na pabagsakin ang gobyerno sa pamamagitan ng pagpapatakbo ng unofficial primaries upang pumili ng opposition candidates para sa local elections.
Sa kanilang desisyon, napagkasunduan ng tatlong huwes na panigan ang argumento ng prosekusyon na ang “pakana” ng mga nasabing aktibista ay maaaring nagdulot ng “constitutional crisis” kapag ang mga nanalo sa primary ay nailuklok bilang mga mambabatas.
Labing-anim sa kabuuang bilang na ito ang humarap sa Korte ngayong Huwebes at nag-plead ng “not guilty” sa harap ng tatlong High Court judges. Labing-apat naman sa mga ito ang hinatulan ng “guilty” verdict habang dalawa ang na-acquit: sina Lawrence Lau, isang barrister at dating district councilor, at si Lee Yue-shun na isa ring dating district councilor.
Inaasahan naman na ilalabas sa publiko ang ipapataw na sentensya o kaparusahan sa mga ito sa mga susunod na araw.
Ang nalalabing 31 naman ay nag-plead ng “guilty” kung saan apat sa mga ito ng tumestigo para sa prosekusyon, kabilang na ang dalawang dating mga mambabatas na sina Au Nok-hin at Andrew Chiu.
Ang primaries ay ginanap noong July 2020 bilang pagsuway sa Hong Kong officials at sa gitna ng mga babala sa mga ito na maaari nilang labagin ang National Security Law (NSL) na ipinatupad ng China ilang araw bago ang eleksyon.