Dagupan City – Ligtas na natagpuan ang tatlong estudyante ng Red Arrow High School matapos ang tatlong oras na search and rescue operation sa kabundukan ng Brgy. San Felipe East sa bayan ng San Nicolas.
Naligaw ang mga bata sa Pisi Bato, isang lugar na may makapal na damuhan at matatarik na daan sa nasabing kabundukan.
Nakakontak ng mga estudyante ang kanilang pamilya at naibigay ang kanilang lokasyon, na agad namang tinugunan ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO).
Tumulong din sa paghahanap ang Philippine National Police – San Nicolas at ang Barangay Councils at CVOs ng mga kalapit na barangay.
Dahil dito, nagpasalamat ang mga magulang ng mga estudyante sa lahat ng sumuporta sa paghahanap at pagsagip sa kanilang mga anak.










