Nahaharap ngayon sa kaukulang kaso ang tatlong empleyado ng punerarya mula sa Probinsya ng Bulacan makaraang lumabag sa protocols na ipinapatupad sa ilalim ng Extreme Enhance Community quarantine matapos mahuli sa isang checkpoint sa bayan ng Binalonan.
Ang mga nasabing suspeks ay nahuli sa may bahagi ng TPLEX Entry/Exit sa Brgy. Linmasangan sa nabanggit na bayan.
Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay PMaj. Arvin Jacob, hepe ng Binalonan Police Station, kakaharapin ng mga kaso dahil sa paglabag ng mga ito sa Paragraph C ng Article 11332 o Non Cooperation of a Person.
Salaysay pa nito, nang makausap ng mga pulis ang driver, sinabi umano nito na bangkay ang laman ng kanilang sasakyan ngunit nang hanapan sila ng patunay kagaya na lamang ng death certificates o anumang mga papeles ay wala silang maipakita kaya naman nagsimula nang maduda ang mga pulis na nakatalaga sa naturang checkpoint.
Aniya, wala naman kasi umanong natanggap ang kanilang opisina ng ano mang impormasyon na may bangkay na ihahatid sa kanilang bayan kaya naman mas minabuti na lang ng mga pulis doon na inspeksyonin ang nasabing ambulansya at doon nila natuklasan ang nasabing modus ng mga suspeks.
Ngunit nang buksan ang ambulansiya ng punerarya, natuklasan na tatlong motorsiklo pala ang laman nito na kanila sanang i-dedeliver sa isang residente matapos mabili ang mga ito online at nakatakda sanang itong i-deliver sa naturang bayan.
Ang mga nahuling empleyado ng punerarya ay kinabibilangan ng dalawang babae kasama ang driver nito na taga Baliwag, Bulacan at sa ngayon ay nasa pangangalaga na ng nabanggit na himpilan.