Dagupan City – Back to normal na ang sitwasyon sa bayan ng San Jacinto matapos ang Patuloy na pagsasagawa nang monitoring ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office o MDRRMO ng naturang bayan para suriin kung may naiwan pang mga stagnant water sa mga kabahayan matapos ang pagbaha dulot ng nagdaang bagyo.
Ayon sa OIC ng naturang ahensya na si Lilibeth Sison, base sa pinakahuling assessment, humupa na ang baha sa mga lugar na unang naapektuhan. Kabilang sa mahigpit na binantayan ng MDRRMO ang tatlong barangay kung saan umabot hanggang tuhod ang tubig baha noong kasagsagan ng pag-ulan.
Kasabay nito, pansamantalang sinuspende ng lokal na pamahalaan ang klase sa lahat ng antas, sa parehong pampubliko at pribadong paaralan sa bayan. Ito’y bilang pag-iingat sa inaasahang malalakas na pag-ulan na dulot ng Tropical Cyclone Opong at hanging habagat, base sa inilabas na Weather Advisory No. 23 ng DOST-PAGASA.
Samantala, nagpapatuloy rin ang suporta ng MDRRMO sa mga barangay na humihiling ng clearing at misting operations. Layunin nitong maiwasan ang pagkalat ng sakit na dengue na karaniwang tumataas ang kaso tuwing tag-ulan.
Sa ngayon, naka-alerto pa rin ang mga kinauukulan sa posibleng epekto ng lagay ng panahon habang sinisiguro ang kaligtasan at kalinisan ng mga apektadong lugar.