
Patay ang apat na katao kabilang ang suspek matapos gilitan sa leeg sa barangay Banuar, Laoac, Pangasinan.
Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay police capt. Mark Ryan Taminaya, chief of police sa bayan ng Laoac, ginilitan sa leeg ng suspek na si Nestor Untalan ang asawa na si Mae Untalan, ina na si Rema Untalan at isang babaeng bedridden na naninirahan sa kanilang tahanan na nakilalang si Rosita Tanggo gamit ang chopping knife.
Matapos mapatay ang mga ito ay ginilitan din ang sarili.
Napag-alaman na sugatan ang dalawang iba pa nakilalang sina Gerardo Tadena at Anthony Pastor na tutulong sana sa mga biktima matapos silang habulin ng suspek.
Lumalabas sa imbestigasyon na may mabigat na problema ang suspek dahil napag alaman na tatlong araw nang hindi nakakatulog. Katunayan, ang isang kahoy ay napagkakamalan daw niyang ahas.
Nasambit rin niya na may tao daw na gustong pumatay sa kanya.
Napag alaman na hindi naman nasaktan ang dalawa niyang mga anak dahil sila ay nakapagtago.
Nang marinig ng mga kapitbahay ang sigawan sa loob ng bahay ay agad nang tumawag ang mga ito ng pulis.
Lumabas pa umano ng bahay ang suspek at naghamon sa kanyang mga kapitbahay.
Pinaniniwalaan na hindi nakayanan ang kanyang dinadalang problema kaya nagawa niya ang krimen.
Sa ngayon ay patuloy na iniimbestigahan ng mga kapulisan ang insidente.




