DAGUPAN CITY- Mas pinagtibay ng TATEH Aquafeeds ang suporta nito sa sektor ng aquaculture sa isinagawang Sigay Festival sa Binmaley sa pamamagitan ng taunang Aquaculture Day na layong mapaunlad ang produksyon at kita ng mga fishpen operators at fish breeders sa bayan at mga karatig-lugar.
Ayon sa panayam kay Merry Joy Enriquez, Market Creation Supervisor ng TATEH Aquafeeds, tampok sa aktibidad ngayong taon ang dalawang mahalagang seminar na nakatuon sa pagpapataas ng kita sa fishpen operations at sa fingerling production upang mapataas ang survival rate ng mga isda.
Layunin ng mga seminar na tugunan ang karaniwang problema ng mga operator at magbigay ng praktikal na kaalaman sa mas episyenteng sistema ng produksyon.
Bukod sa mga seminar, nagsagawa rin ng mga paligsahan na nagbibigay-diin sa kalidad at laki ng ani tulad ng heaviest bangus, good-looking bangus, heaviest malaga, at heaviest hito.
Ang mga patimpalak na ito ay taunang isinasagawa at bukas sa mga kasalukuyang fishpen operators at maging sa mga interesadong pumasok sa larangan ng aquaculture mula sa Binmaley, Dagupan City, at iba pang karatig-munisipalidad.
Kinilala rin sa aktibidad ang Binmaley bilang isa sa mga bayang mayaman sa aquaculture production, partikular sa bangus at malaga.
Sa nakalipas na mga taon, patuloy ang pagtaas ng produksyon sa bayan, dahilan upang bigyang-pugay ng TATEH Aquafeeds ang kontribusyon ng mga lokal na operator sa industriya.
Hindi lamang mga beteranong operator ang target ng mga seminar kundi pati na rin ang mga baguhan at mga may dating karanasan ngunit nakaranas ng problema sa produksyon.
Sa pamamagitan nito, nagkakaroon sila ng pagkakataong magtanong at matuto ng mga paraan upang mapabuti ang kanilang sistema at ani.
Sa kabuuan, patuloy na nakikita ang pagbuti ng produksyon at interes ng mga kalahok taon-taon, na nagpapakita ng lumalawak na potensyal ng aquaculture sa Binmaley at sa buong rehiyon.










