Nasa 88.25% na o katumbas ng 3,811,021 na indibidwal na may edad 5-pataas ang nakakuha na ng First at Second doses ng vaccine kontra COVID-19 virus.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Dr. Veronica Guadiz De Guzman – Provincial Health Team Leader DOH Regional Office 1 – binigyang-diin nito pinagtutuunan naman nila ng pansin ang pagpapalakas ng vaccination drive sa lalawigan ng Pangasinan sapagkat kinabibilangan ng 60% ng buong populasyon sa Rehiyon 1 ang naninirahan sa nasabing probinsya.
Dagdag pa nito na layunin ng kanilang ahensya ang mag-concentrate sa mga high-yield areas na kinabibilangan naman ng mga lugar sa Central Pangasinan gaya ng Dagupan City at Sta. Barbara nang sa gayon ay mas lalo nilang ma-cover ang target nilang bilang na mga mababakunahang mga residente.
Kaugnay nito, ay ipinaliwanag din ni De Guzman na isa sa pangunahing concern ng mga residente kaugnay ng usapin sa pagbabakuna ay ang tinatawag na ‘vaccine confidence’ o ang tiwala ng isang residente sa epekto at pagiging epektibo ng isang vaccine. Dagdag pa niya na ang pangunahing dahilan ng mga residente sa hindi pagtangkilik sa mga booster shot ng COVID-19 vaccine ay dahil sapat na umano ang nakuha nilang first at second doses kaya’t hindi na sila nagpapabakuna ng booster shot.
Giit naman ni De Guzman na mahalaga pa rin ang pagkakaroon o pagtangkilik ng mga residente sa booster shot dahil para rin ito sa kanilang kapakanan at upang magkaroon din sila ng mas malakas na depensa o panlaban sa banta ng Covid-19 virus.
Binigyang-diin pa ni De Guzman na mayroong sapat at walang kakulangan sa supply ng bakuna ang kanilang ahensya para makamit ang kanilang target na bilang ng mga residenteng babakunahan.